Tuesday, July 21, 2009

Paniniwala sa Pamahalaan

Hindi ko na pabibigatin ang aking mga sinasabi sapagkat nasabi na ng kasamang si Ren ang mga salitang totoo ngunit masakit na tanggapin, lalung-lalo na sa panig ng gobyerno.

Ako'y naniniwala na mayroong ginagawang paraan ang pangulo upang sa gayon ay maitaas ang lebel ng pamumuhay ng mga Pilipino. Kaya lamang, naniniwala rin ako na ang lakas, isip at mga kayamanang ginagamit rito ay tila substandard, sapagkat ang epekto nito sa bansa ay maituturing na kabilang sa kategorya ng "pwede na" at dun naman ako hindi nabibilib. Nasa pamahalaan na ang lahat ng kakayanan upang gumawa ng mga batas at resolusyon upang mapa-igiting ang mga hakbang na ginagawa laban sa mga problemang panlipunan. Ngunit ang ikinasasama ng loob ko ay kung sino ang tagagawa at tagapagganap ng batas ang silang nangunguna sa pagsuway at pagbaluktot rito.

Siyempre, kinakailangan rin naman nila ang tulong ng mga mamamayan. Naniniwala rin ako na hangga't may mga taong kontra nang kontra diyan ngunit wala namang ginagawa upang makatulong sa pagbabago sa takbo ng buhay ng mga Pilipino, hindi pa rin uusad ang ating bansa. Hangga't may mga mandaraya at mandarambong, patuloy na maghihirap ang mga Pilipino.

Ngayon ay dumako naman tayo sa usapin ng likas na yaman. Alam ko na may ginagawa pa rin naman ang gobyerno upang mapagyaman at mapanatili ito ngunit hindi ko matukoy nang kongkreto kung anu-ano ang mga ito sapagkat ang mga ito ay hindi pa masyadong nakakapasaok sa kamalayan ng mga mamamayan. Kulang pa ang effort kung tutuusin sapagkat kung ito'y alam ng mga tao ay makikitulong rin naman tayo sa mga programa, hindi ba? Sapagkat kung tayo'y puna lang nang puna at walang pakialam sa mga panukalang nasa katwiran naman ay wala tayong kina-ibahan sa mga taong baluktot ang prinsipyo.

Gayundin, kung ang bansa natin ay mayaman sa likas na yaman, bakit pa marami ang naghihirap? Marahil, kung ang mga likas na yaman ay rationally and fairly distributed, maiibsan ito.

Nasa iyo, nasa ating lahat pa rin ang solusyon. Kung ang pamahalaan ay di gaanong makikinig sa hinaing natin, ay sa atin na mismo magsimula kung ano ang hinahanap natin sa ating lipunan.


Mary Heather P. Padua

No comments:

Post a Comment